PBAPC Accel Player of the Week
MANILA, Philippines - Ipinakita ni veteran playmaker Mark Barroca ang kanyang pagiging lider nang tulungan ang Star na maiposte ang 2-0 record sa 2017 PBA Commissioner’s Cup.
Tumapos si Barroca na may 17 points at 2 steals sa loob ng 23 minuto mula sa bench para sa 101-82 paggupo ng Hotshots kontra sa Phoenix Fuel Masters noong nakaraang Miyerkules.
Matapos ang tatlong araw ay kumolekta naman ang dating Far Eastern University Tamaraw point guard ng 8 points, 5 rebounds, 5 assists at 2 steals sa 103-77 pananaig ng Star laban sa Globalport.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang si Barroca, ang 2014 Philippine Cup Finals MVP, bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Inungusan ng 5-10 na si Barroca para sa weekly citation ang kakamping si Peter June Simon at sina Baser Amer at Jared Dillinger ng Meralco, Rain or Shine sophomore guard Maverick Ahanmishi, Ryan Araña ng Mahindra, Alaska rookie forward Carl Cruz at Jayson Castro ng TNT Katropa.
Bukod sa Hotshots, ang iba pang koponang wala pang talo ay ang Bolts (3-0), Elasto Painters (3-0) at Aces (2-0).
Gagawin naman ng San Miguel at Barangay Ginebra ang kanilang debut game sa Sabado at Linggo, ayon sa pagkakasunod.
Muling aasahan ng Star si Barroca sa kanilang pagsagupa sa NLEX sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
- Latest
















