MANILA, Philippines – Matapos ang 12 pangalan ng miyembro ng Cadet, nakatakda namang ihayag ngayon ni Gilas Pilipinas 5.0 head coach Chot Reyes ang huling 12 para mabuo ang kanyang 24-man national training pool.
Ilan sa mga posibleng isama ni Reyes sa Gilas pool ay sina three-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng San Miguel, Globalport back court tandem Terrence Romeo at Stanley Pringle, Barangay Ginebra wingman Japeth Aguilar, Jayson Castro ng TNT Katropa at Alaska small forward Calvin Abueva.
Gagawin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang official announcement ngayong gabi matapos ang laro ng Alaska at Mahindra sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Ginebra at Phoenix sa alas-6:45 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang misyon ng Gilas Pilipinas 5.0 ni Reyes ay ang makakuha ng tiket para sa 2019 FIBA World Cup na gagawin sa China.
Bukod sa 2019 FIBA World Cup ay nakatutok din ang programa ng SBP, sa pangunguna ni Al Panlilio, para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sa naging kasunduan ng SBP at PBA ay makakapili si Reyes ng tig-isang player mula sa 12 pro teams para sa kanyang national pool matapos ang inisyal na 12 Gilas rookies.
Ang naunang 12 Gilas Cadets na ibinilang ni Reyes sa national pool ay sina Mac Belo (Blackwater), Kevin Ferrer (Ginebra), Roger Pogoy (TNT Katropa), Carl Bryan Cruz (Alaska), Von Pessumal (Globalport), Russel Escoto (Mahindra), Ed Daquioag (Meralco), Fonzo Gotladera (NLEX), Matthew Wright (Phoenix), Mike Tolomia (Rain or Shine), Arnold Van Opstal (San Miguel) at Jio Jalalon (Star).