Nagbibigay-daan ang Saddle & Leisure Park
MANILA, Philippines - Kapansin-pansin ang kaunting entries sa mga karera ngayong Biyernes ng gabi sa Saddle & Leisure Park na nasa Santa Ana Park sa Naic Cavite.
Ang dahilan ay nagbibigay daan ang karera-hang ito para sa gaganaping malalaking karera bukas sa Metro Turf Club na nasa Malvar-Tanauan, Batangas.
Inaasahan ding magiging todo ang pakarera dahil natapat ito sa araw ng suweldo.
Sa pagrepaso ng mga karera nitong nagdaang Martes at Miyerkules ay kinakitaan ng pagsulpot ng ilang mga dehado na nakasilat sa mga liyamado gayundin ang mga gustong makasilat pero nabitin.
Nabitin ang dehadong Luyang Cave na dinala ni Fernando M. Raquel Jr., sa isang handicap-4 na pinanalunan ng paboritong Topnotcher na dinala ni Jerome Saulog.
Nagtagumpay naman na makasilat ang Surplus Princess ng Dynamic R. Center kontra sa outstanding favorite na Puerto Princess sa isang two year old maiden group-A.
Nitong sinundang gabi ay nadismaya naman ang mga liyamadista sa pagkatalo ng inaasahan nilang I’m Your Lady na dinala ni Mark M. Gonzales.
Sa kabila ng pagiging paborito at kumulekta ng malaking taya sa takilya ay hindi man lang pumasok sa quartet ang I’m Your Lady na nagkaroon pa mandin ng impresibong panalo kontra sa Professor Jones kamakailan.
Natuwa naman ang mga karerista sa pagkakapanalo ng tinayaan mga liyamado at pinakapatok ng kabayo na ang una ay ang Hidden Eagle na nagwagi sa Condition-B race.
Ito ay sinundan ng panalo ng Silhouette sa isang handicap-6 race.
Nakapagpakitang-gilas din ang paboritong Magical Bell na dinala ni apprentice C.P. Sigua na sinundan ng panalo ng isa pang apprentice na si O.P. Cortez na Buena Classica at prenteng pagkakapanalo rin ng Love Hate na dinala ni Jonathan B. Hernandez sa huling karera nitong Miyerkules. (JM)
- Latest