Warriors pumuwersa ng Game 7 sa Thunder

Wala nang nagawa sina Russell Westbrook, Kevin Durant at Steven Adams ng Thunder kundi panoorin ang salaksak ni Klay Thompson ng Warriors sa Game 6.

OKLAHOMA CITY - Nakahanda na ang seleb­rasyon para sa ina­asa­hang pagpasok ng Thund­er sa NBA Finals.

Ngunit walang balak ang Golden State Warriors na makipagdiwang.

Kumonekta si Klay Thompson ng playoff-record na 11 three-pointers pa­ra sa kanyang 41 points at tulungan ang defending champions sa 108-101 pag­giba sa Thunder sa Game 6 ng Western Con­fe­rence final.

Ang ikalawang sunod na panalo ng Warriors ang nagtabla sa kanilang best-of-seven series ng Thunder sa 3-3.

Ang Game 7 ay naka­takda sa Lunes sa Oakland.

Nagdagdag naman si Stephen Curry ng 29 points, 10 rebounds at 9 assists para sa Golden State.

“We’ve got a lot of belief and a lot of heart, and we’ve given ourselves a chance to win this series,” wika ni Curry. “That’s all we could ask for. There’s obviously a lot of excitement, but we still have one job to do.”

Tatangkain ng Warriors, nagtala ng NBA re­gular-season record na 73 wins, na maging ika-10 ko­ponan na nakabangon mula sa 1-3 pagkakabaon para muling makasagupa ang Cleveland Cavaliers sa NBA Finals.

Tinapos ng Cavaliers ang kanilang serye ng Toronto Raptors sa 4-2 para sa ikalawang su­nod na NBA Finals ap­pea­rance.

Umiskor si Thompson ng 19 points sa fourth quarter para ibangon ang Warriors mula sa eight-point deficit.

Hinayaan ni Curry na magtrabaho si Thompson sa final canto.

“Steph told me before I went out in the fourth, ‘This is your time,’” sabi ni Thompson. “‘You know, put on a show out there and have fun.’ I took those words to heart, and I just tried to be aggressive.”

Nagsalpak ang Warriors ng 21-of-44 shooting sa 3-point line kumpara sa 3-of-23 ng Thunder.

Binanderahan naman ni Kevin Durant ang Oklahoma City sa kanyang 29 points at may 28 markers si Russell Westbrook.

Nagtala si Durant ng 10-of-31 shots at may 10-of-27 si Westbrook.

Kumulapso ang Thunder, ilang beses nang nai­suko ang kalamangan sa fourth quarter sa regular sea­son ngunit gumanda ang laro sa playoffs, sa hu­­ling apat na minuto ng laban nila ng Warriors.

Napuwersa ng Golden State ang Oklahoma sa anim na turnovers sa hu­ling 2:55 minuto ng bakbakan kung saan may tatlo si Westbrook sa natitirang 55 segundo.

“That really wasn’t - hasn’t been us in the last month and a half,” paha­yag ni Thunder coach Bil­ly Donovan matapos ang nasabing laro.

Show comments