Tabla o tapos na? Kukunin na ng Alaska, SMBeer hihirit pa
MANILA, Philippines – Matapos kumamada ng 25 points sa tatlong quarters ay hindi na nakaiskor si power forward Vic Manuel sa fourth period at maging sa overtime.
Isa lamang ito sa mga bagay na naging dahilan ng 73-86 overtime loss ng Alaska sa nagdedepensang San Miguel sa Game Five noong Miyerkules sa 2015 PBA Philippine Cup Finals.
“We did get some good looks, but we missed our shots and we’ve got to make them. You’re gonna have to finish the play,” sabi ni coach Alex Compton sa kanyang Aces na nauna nang nagposte ng matayog na 3-0 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng Beermen.
Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay muling pipilitin ng Alaska na angkinin ang inaasam na pang-15 PBA championship sa pagsagupa sa San Miguel sa Game Six ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kinuha ng Beermen ang kanilang ikalawang sunod na overtime win para makadikit sa Aces sa 2-3 sa kanilang titular showdown.
Sa 86-73 overtime victory ng San Miguel sa Alaska ay pinaglaro ni coach Leo Austria sa unang pagkakataon si back-to-back PBA MVP June Mar Fajardo, 12 araw matapos magkaroon ng hyperextended left knee injury sa kanilang semifinals showdown ng Rain or Shine.
“We didn’t want him to play but he insisted,” sabi ni Austria sa 6-foot-10 na Cebuano giant. “Ang sabi niya sa akin, ‘Coach, whatever happens, win or lose, I want to be on the court. I want to help the team.’”
Tumapos si Fajardo, nahirang na Best Player of the Conference, na may 13 points at 4 boards para sa ikalawang sunod na overtime win ng SMC franchise sa kanilang serye ng Alaska. (RC)
- Latest