Ateneo dinispatsa ang Adamson
MANILA, Philippines — Natuto ang Ateneo De Manila University sa kanilang pagkakamali kaya naman naresbakan nila ang Adamson University, 25-23, 25-14, 25-23, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum, kahapon.
Nilipad agad ng Blue Eagles ang unang dalawang sets, sinigurado nina Alexis Ciarra Miner, Lyann Marie Loise De Guzman at Zey Mitzi Pacia na hindi na mauulit ang masaklap na pagkatalo sa first round kaya itinodo nila ang lahat para makumpleto ang pagwalis sa Adamson.
Sa first round ay dinagit agad ng Ateneo ang sets 1 at 2 pero hindi nila nakuha ang panalo matapos silang harurutin ng Lady Falcons sa tatlong natitirang sets matapos silang akayin ni super rookie Shaina Marie Nitura.
“I think our best skill today was our serves. Our serves did a lot of damage to the opponent. This is important, and in the hard moments, my team continued to focus,” ani Ateneo head coach Sergio Veloso.
Tumikada si Miner ng 13 points mula sa 10 kills, dalawang service aces at isang block para sa Ateneo na mayroon ng 4-5 karta at sumalo na ito sa No. 5 sa team standings kasama ang University of the Philippines.
- Latest