Choco Mucho natakasan ng Akari
MANILA, Philippines — Binuksan ng Akari ang single-round semifinals sa pamamagitan ng 20-25, 25-19, 25-23, 22-25, 16-14 pagdaig sa Choco Mucho sa 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humataw si Eli Soyud ng game-high 34 points mula sa 27 attacks at pitong blocks para sa 1-0 record ng Chargers sa semis at palakasin ang tsansa sa ikalawang sunod na finals stint.
“Sobrang grateful sa mga teammates ko sa kapit nila sa game na ito,” wika ng 29-anyos na opposite hitter. “Iyon nga iyong lagi kong sinasabi kumakapit lang kami sa isa’t isa.”
Nag-ambag si Ced Domingo ng 14 markers at may 11 points si Faith Nisperos habang nagtala si setter Mich Cobb ng 24 excellent sets.
Nagmula ang tropa ni Japanese coach Taka Minowa sa isang five-set win sa Cignal HD sa qualifying round at sa quarterfinals sweep sa Galeries Tower.
Pinamunuan ni Sisi Rondina ang Flying Titans sa kanyang 29 points mula sa 28 attacks at isang block at nagdagdag si Royse Tubino ng 14 markers.
Nakapuwersa ang Choco Mucho ng fifth set matapos banderahan nina Rondina at Tubino ang 25-22 panalo sa fourth set.
Mula naman sa 11-14 pagkakaiwan sa fifth frame ay ibinangon nina Soyud at Nisperos ang Akari para sa isang 5-0 atake para agawin ang laro sa 16-14.
“Siyempre, ang una namin talagang ipa-priority is iyong recovery kasi every other day iyong game and siyempre, balik kami sa planning kung anuman iyong kulang namin ngayon, iyon ang pupunan namin sa next game,” wika ng tubong Bago City, Negros Occidental na si Soyud.
- Latest