VANCOUVER, Canada – Ayaw ni Manny Pacquiao na maantala ang kanyang gagawing paghahanda para sa kanilang ikatlong pagtutuos ni Timothy Bradley, Jr.
Habang naghahanda ang siyudad para sa isang weekend snowstorm, umalis si Manny Pacquiao ng New York noong Biyernes ng umaga para sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas matapos ang kanilang press tour ni Bradley.
Umalis si Pacquiao ng Le Parker Meridien sa West 56th Street ng alas-7 ng umaga sa ilalim ng sub-zero temperature.
“Kailangan makaalis na tayo rito,” wika ni Pacquiao bago umalis ng kanyang hotel sa New York.
Sumakay siya ng itim na SUV na nagdala sa kanya sa JFK Airport.
Nakasama ng 37-anyos na boxing superstar ang kanyang grupo at ang asawang si Jinkee sa paglulan sa isang Philippine Airlines flight patungong Manila via Vancouver.
Mayroong forecast ng isang snowstorm sa New York, at ayaw ni Pacquiao na maipit.
Umupo si Pacquiao sa kanyang first class seat sa PR 127 at matapos ang one-hour layover ay muli siyang sumakay sa parehong eroplano para sa isang 13-hour flight patungong Manila at nakatakdang bumiyahe sa General Santos City.
Sinabi niyang hindi siya nakatulog sa four-hour flight sa Vancouver.
Sa kanyang pag-uwi ay ilalatag ni Pacquiao ang kanyang plano para sa isang eight-week training.
Ito ang ikatlong beses na magsasagupa sina Pacquiao at Bradley matapos noong 2012 at 2014 at sinasabing magiging pinakahuling laban ni Pacquiao.
“Last fight. Kailangan impressive,” sambit ni Pacquiao.
Nagdesisyon si Pacquiao na magsanay sa General Santos City.
“It will be the first or second week of February. Freddie Roach will arrive in the Philippines either on the 13th or 14th of February for the training,” sabi ni Filipino-speaking American David Sison.
Ayaw magsanay ni Pacquiao sa Manila dahil maraming istorbo.
Kakandidato siya para sa Senatorial seat sa May elections at nangangambang guguluhin ng kanyang mga kaibigan sa pulitika.
Sinabi pa ni ‘Pacman’ na pansamantala muna niyang iiwanan ang pagiging playing-coach ng Mahindra Enforcers sa PBA para tutukan ang kanyang training.
“Next time na muna sa PBA. Hindi rin ako maka-focus. I can’t play while I train,” ani Pacquiao.