MANILA, Philippines – Tiniyak ng Elasto Painters na hindi na makakabangon ang Beermen mula sa malaki nilang kalamangan kagaya nang nangyari sa Game One noong Martes.
Nagtayo ng 25-point lead sa third quarter, prinotektahan ng Rain or Shine ang naturang bentahe patungo sa 105-97 panalo laban sa nagdedepensang San Miguel sa Game Two para itabla ang kanilang semifinals series sa 2015-2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Pinamunuan ni Jeff Chan ang tropa ng Elasto Painters sa kanyang 16 points kasunod ang 13 ni rookie Don Trollano, 12 ni JR Quiñahan, 11 ni Paul Lee at tig-10 nina Gabe Norwood at Raymond Almazan.
Makaraang kunin ng Elasto Painters ang 25-point advantage, 59-34 sa 9:46 minuto ng third period ay nakalapit ang Beermen sa 56-63 sa 3:38 minuto nito.
Ang dalawang basket ni Gabe Norwood ang muling naglayo sa Rain or Shine sa 88-67 sa 9:45 minuto sa final canto bago ito putulin ng San Miguel sa 95-100 agwat sa huling 1:04 minuto ng labanan.
Isinalpak ni Lee ang kanyang dalawang free throws sa nalalabing 32 segundo para sa 104-97 abante ng Elasto Painters kasunod ang mintis na three-point shot ni Cabagnot sa panig ng Beermen.
Samantala, inaasahang mas tataas pa ang tensyon sa pagitan ng Alaska at Globalport para sa mahalagang Game Three ng kanilang best-of-seven semifinals series sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kabuuang 16 technical fouls ang itinawag sa pagitan ng Aces at Batang Pier sa Game Two ng kanilang semifinals series noong Miyerkules at nakataya ang 2-1 bentahe sa kanilang pang-alas-7 ng gabing salpukan sa MOA.