MANILA, Philippines – Makaraang magkampeon sa nakaraang Philippine Racing Commission’s Chairman’s Cup ay muling nagpakitang-gilas ang Gentle Strength sa 2015 Philracom Grand Derby kahapon sa Metro Turf, Batangas.
Ang panalo ay nangahulugan din ng dagdag na premyong P600,000 para sa backers ng Gentle Strength sa pangunguna ni Mandaluyong Benhur Abalos Jr., trainer Ruben Tupas at hineteng si Jonathan B. Hernandez.
Sa simula ng karera ay hinayaan lang ng Gentle Strength na magtagisan ng tulin ang Hook Shot at Mr. Minister at nakadistansiya naman sila ng Court Of Honour sa pangatlo at pang-apat na puwesto.
Sa pagtahak sa distansiyang 2,000 meters ay nakagawa ito ng mga quarter times na 24.5; 23.5; 25; 24.5 at may dating pang 27 segundo para sa kabuuang 2:04.4 na nagbigay todo kikig sa huling 400 meters.
Ang panalo rin ni Gentle Strength, isang tatlong taong kastanya na mula sa Shadow Of The Moon at istalyong Ultimate Goal, ay patunay na hindi tsamba ang panalo nito sa Court Of Honor na kumuha ng runner-up honors sa P225,000.
Hindi rin naman nawalan ng premyo ang Hook Shot, three-year-old bay filly mula sa Hook & Ladder at Local Rules sa pagtersero sa P125,000 gayundin naman sa Mr. Minister, three-year-old colt, mula sa istalyong Safe In The USA at La Ballader sa pabuyang P50,000.
Sa unang Philracom-MMTCI Christmas Ra-cing Festival, nagwagi ang Director’s Sweet na pinatakbo ni A.R. Villegas. Sa ikalawang Philracom-MMTCI Christmas Racing Festival ang Red Pocket na nirendahan ni R.G. Fernandez ang siyang nagbida. Sa ikatlong Christmas racefest ay ang Extra Ordinary ni C.M. Pilapil ang nanalo.