INDIANAPOLIS – Nagposte si Klay Thompson ng season-high 39 points habang kumolekta si Stephen Curry ng 29 points, 7 rebounds at 10 assists para akayin ang nagdedepensang Golden State Warriors sa perfect start na 23-0 matapos talunin ang Indiana Pacers, 131-123.
Ito ang pang-27 sunod na arangkada ng Warriors simula noong nakaraang season para parisan ang naiposte ng Miami Heat noong 2012-13 bilang second-longest streak sa NBA history.
Kaagad kumamada si Thompson ng 29 points sa first half patungo sa pagtatala ng Golden State ng 28-point lead sa fourth quarter na naputol ng Indiana sa anim na puntos sa huling 25 segundo.
Susunod na lalabanan ng Warriors ang Celtics sa Biyernes sa Boston.
Pinamunuan ni Paul George ang Pacers sa kanyang 33 points kasunod ang 24 ni C.J. Miles.
Sa Cleveland, naglista si LeBron James ng 33 points at 10 rebounds at buma-ngon ang Cavaliers mula sa 18-point first-half deficit para talunin ang Portland Trail Blazers, 105-100
Nagdagdag si Kevin Love ng 18 points at ang second-half lineup adjustment ni coach David Blatt ang nakatulong sa pagpigil ng Cleveland sa kanilang three-game losing skid.
Umiskor si James, hindi naglaro noong Sabado sa Miami para magpahinga, ng 14 points sa fourth quarter, kasama rito ang 3-pointer at isang three-point play.
Tumipa si Damian Lillard ng 33 points para sa Portland, kinapos sa second half na sinamantala ng Cleveland.
Sa New York, umiskor si Brook Lopez ng 24 points kasunod si Joe Johnson na may 22 para ma-sweep ng Brooklyn ang Houston sa kanilang season series sa unang pagkakataon sa loob ng 14 years matapos ang 110-105 panalo.
Tumapos si Thaddeus Young ng may 20 points at 12 rebounds para sa Nets habang umiskor si Bojan Bogdanovic ng 19 points bilang kapalit ni injured rookie Rondae Hollis-Jefferson.