MANILA, Philippines – Pipilitin ng PLDT Home Ultera at ng Philippine Army na itakda ang inaabangan nilang championship duel sa kanilang pagsagupa laban sa University of the Philippines at Navy, ayon sa pagkakasunod, sa semifinal round ng Shakey’s V-League Season 12-Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.
Sasagupain ng Lady Troopers, winalis ang five-game elimination round, ang Lady Sailors ngayong alas-3 ng hapon matapos ang bakbakan ng Ultrafast Lady Spikers at Lady Maroons sa alas-12:45 ng tanghali.
Kapwa may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ang PLDT at ang Army laban sa UP at Navy, ayon sa pagkakasunod.
Kung mananalo ang Lady Troopers at Ultrafast Lady Spikers ay mapaplantsa nila ang isang best-of-three title series na magsisimula sa Nobyembre 28.
Ito ang kanilang magsisilbing rematch matapos maglaban sa nakaraang Open Conference Finals noong Mayo na naipanalo ng Army sa Game Three.
Sinabi ni PLDT coach Roger Gorayeb na mas lumaki ang kanilang bentahe laban sa UP sa pagdating nina dating US NCAA Division 1 standouts Victoria Hurtt at Serea Freeman.
Hangad ni Gorayeb na maging unang coach sa league history na nakakuha ng Grand Slam.
Sa likod ng pinagsamang 36 points nina Hurtt at Freeman ay kinuha ng Ultrafast Lady Spikers ang 25-12, 25-12, 23-25, 25-21 panalo laban sa Kia Forte sa huling laro ng elimination round.
Tinalo na ng PLDT ang UP, 25-12, 22-25, 25-15, 25-17, sa una nilang pagkikita.