Foton Tornadoes nais mag-iwan ng marka sa PSL Grand Prix

MANILA, Philippines – Determinado ang Foton Tornadoes na gumawa ng marka sa Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix na magbubukas sa Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Ibinalik ng koponan si Patty Orendain, ang kinilala bilang Best Outside Spiker sa All-Filipino Cup pero pinalakas ang puwersa ng Tornadoes para maging bagyo ang dating sa liga.

Ang 6’5”manlalaro ng National University na si Jaja Santiago ay nasa koponan na bukod pa sa Fil-Am player na si Kayla Willims at Fiola Ceballos, ang kakampi ni Orendain sa PSL Beach Volley na kung saan sila ay pumangalawa sa kompetisyon.

Kinuha rin uli ni coach Vilet Ponce de Leon ang  6’1” US import na si Lindsay Stalzer at ipaparehas siya sa baguhan pero matangkad na si 6’4” US player Anne Messing para higitan ang panlimang puwesto na pagtatapos sa 2014 edisyon.

Ang bagong puwersa ng Tornadoes ay pinaniniwalaan na kayang tapatan ang lakas ng ibang kasaling koponan sa pangunguna ng nagdedepensang kam-peon Petron Lady Blaze Spikers.

Ikatlong sunod na kampeonato ang nais na hablutin ng Petron, kampeon din sa 2015 All-Filipino Cup, at ipaparada nila uli ang matikas na puwersa sa pa-ngunguna nina Dindin Manabat, Aby Maraño at Rachel Ann Daquis.

Babalik din ang mahusay na Brazilian setter na si Erika Adachi at itatambal sa kanya ang kababayang 6’1” outside hitter na si Rupia Inck Furtado.

Sina Adachi at Furtado ay nasa bansa na at nag-eensayo sa Petron dahil lalahok ang koponan sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Ha Nam City sa Vietnam mula Setyembre 12 hanggang 20.

Ang iba pang kumpirmado nang sasali at nagpa-lakas din ay ang Philips Gold, Cignal, Meralco-DLSU at ang nagbabalik na RC Cola-Air Force habang hinihintay na lamang ng 3-time champion na Philippine Army at Team Cebu ang kanilang corporate sponsors para tuluyang sumali sa liga.

“All the teams are taking the Grand Prix seriously that is why they are beefing their rosters to come up with a solid and unbeatable team. With loaded teams competing, we expect that Grand Prix to be a balance and competitive field,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.

Show comments