Sinamantala ang pagkaka-scratch ng Hagdang Bato
MANILA, Philippines - Walang nakasabay sa malakas na pag-arangkada ng Low Profile para angkinin ang Challenge of Champions Cup na siyang tampok na karera sa isinagawang Mayor Ramon Bagatsing Cup Racing Festival kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ang kabayong inaasahang palaban na Hagdang Bato ay na-scratch sa 1,750m karera na suportado ng Resorts World para sa 4-Year Old & Above Local/Imported horse.
Si Kevin Abobo ang siyang pinagdiskarte sa pagkakataong ito at napanatili niya ang winning streak ng kabayo sa pamamagitan ng banderang-tapos na panalo.
Naorasan ang nasabing kabayo ng 1:50.4 sa quarter clocking na 10, 23’, 24’, 25, 27’, upang maibulsa rin ang P600,000.00 unang premyo sa P1 milyon na pinaglabanan.
Hindi binitiwan ng Low Profile ang liderato at sa rekta ay bumulusok pa tungo sa halos pitong dipang agwat sa pumangalawang Oh Oh Seven na sakay ni Jessie Guce.
Pumangatlo ang Penrith na diniskartehan ni Mark Alvarez, ang hinete ng Low Profile sa huling dalawang takbo na kanilang naipanalo bago sumunod ang Messi sa pagdadala ni JA Guce.
Ang coupled entries na Dixie Gold at Hot And Spicy ang kumumpleto sa datingan sa hanay ng anim na naglaban. Pinangatawanan naman ng Gentle Strength ang pagiging liyamado sa Mayor Ramon D. Bagatsing Sr. Cup Division 1 (3YO Open Local) nang magwagi ito sa 1,750m distansya.
Sa huling kurbada kinuha ng kabayong sakay ni Jonathan Hernandez ang liderato mula sa Pricess Ella bago naisatabi ang malakas na pagdating ng dehado pang Dikoridik Koridak na natalo lamang ng isang ulo sa meta.
Tinapos ng panalo ng Gentle Strength ang dalawang dikit na pangatlong puwestong pagtatapos at ang winning time ay 1:53.6 sa 10’, 23’, 24’, 26 at 29 para sungkitin din ang P600,000.00 gantimpala.
Pumangatlo ang Princess Ella habang ang Icon ang pumasok sa ikaapat na puwesto. Ang ikatlong P1 milyon race sa pagtatapos ng pista na ginawa sa Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ay nakuha ng Spectrum sa isinagawang 2015Philracom 1st Leg Juvenile Fillies/Colts Stakes race na ginawa sa 1000m distansya.
Ito ang ikalawang malaking panalo ng Spectrum sa pagdiskarte ni Dan Camanero matapos pagharian ang PCSO-Maiden Race noong Hulyo 25 sa race track sa Santa Ana Park. Ang mga pumangalawa sa P1 million stakes races ay may pabuyang P225,000.00 habang P125,000.00 ang papangatlo at P50,000.00 ang pumang-apat sa datingan.