MANILA, Philippines - Sa isang kagaya ni Manny Pacquiao ay hindi mo siya basta-basta maitatago sa kanyang mga fans lalo na kung tumatakbo siya sa isang pampublikong lugar sa Los Angeles, California.
Kahit sa pagdya-jogging ng Filipino world eight-division champion sa isang sikretong track oval ay hindi pa rin siya nakaiwas sa mga fans, kabilang na dito sina musician Apl.de.ap at Olympic gold medalist na si Carmelita Jeter.
“Maganda doon (oval) ‘yung steps na inaakyatan and ‘yung oval,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng ABS-CBN News North America.
“Marami pa ring tao doon. Ayos na naka-focus at maganda ‘yung lugar sa legs. ‘Yung speed mo makukuha,” dagdag pa ng Filipino boxing superstar.
Ang bawat ginagawang morning jogging ng 36-anyos na si Pacquiao ay palaging dinudumog ng kanyang mga fans.
Ito ang sinusubukang resulbahan ni chief trainer Freddie Roach sa pamamagitan ng paghahanap ng mga bagong lugar.
“It’s a great place, but we have to have privacy,” ani Roach. “We need somewhere new we can go. The thing is, he has to be ready for a fight, so (the public) have to res-pect that.”
Umaasa si Roach na mauunawaan ng mga fans ang pagkakaroon ng privacy ni Pacquiao para sa kanyang pag-eensayo sa pagsagupa kay Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Plano ni Roach na maglagay ng bagong bintana sa Wild Card Boxing Club sa Hollywood, California habang nag-eensayo si Pacquiao. (RC)