MANILA, Philippines – Isa sa maituturing bilang atletang tunay na lumabas ang galing sa Philippine National Open-Invitational Athletics Championships ay ang 20-anyos na si Marco Vilog.
May taas na 5-foot-10, ang 2014 Philippine National Games bronze medalist ay nagpakilala nang talunin niya ang mga paborito sa 800-meter run sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Naorasan ang mag-aaral ng Lyceum-Batangas at nagsasanay sa ilalim ng dating 400-m run SEAG gold medalist at ngayon ay coach na si Ernie Candelario ng 1:51.60 para sorpresahin ang national athlete na si Wenlie Maulas (1:51.91) at si Myanmar SEA Games veteran Maniam Kesayan ng Malaysia (1:51.98).
Ang nagpakinang sa panalo ni Vilog ay nang hinigitan niya ang SEAG bronze medal criteria na 1:51.62 ni Doung Van Thai ng Vietnam.
Puwedeng masama sana si Vilog sa Singapore SEA Games pero hindi naisama ang kanyang pangalan sa naunang listahan na ipinatala ng PATAFA sa mga organizers.
Ngunit hindi masasayang ang ipinakitang galing ni Vilog dahil masasama siya sa training pool.
Isa ring lumutang ay si Francis Medina ng Leyte Sports Academy-Perpetual Help Altas dahil ang junior runner ang siya pa lamang na nakawasak ng national record.
Kinuha ni Medina ang 110-m hurdles sa loob ng 14.23 segundo para tabunan ang 14.52 na sariling record noong 2014 ASEAN Schools Championships sa Marikina City.
Hindi naman nabigo si Fil-Am Jessica Barnard sa pagdomina sa paboritong 3,000-m steeplechase sa oras na 11:34.45.
Malayo ito sa kanyang Phl record na 11:04.84 nang nanalo ng bronze sa Myanmar SEAG.