Cavs ang pinakamainit na koponan ngayon: Matapos magwakas ang 19-game winning streak ng Hawks
CLEVELAND -- Ngayon ay nasa double digits, ang winning streak ng Cavaliers ay nananatili at impresibo.
Ngunit hindi kay LeBron James.
“We haven't done anything,” pahayag ni James. “We haven't earned anything. Until we do something, then we can feel good about ourselves. But we haven't done anything.”
Umiskor si Kyrie Irving ng 24 points, habang nagtala si James ng 18 points at 11 assists para sa ika-11 sunod na panalo ng Cavaliers sa bisa ng 97-84 paggiba sa Philadelphia 76ers.
Ito ang pinakamahabang winning streak ng Cleveland matapos ang kanilang franchise record na 13 noong 2010, ang huling season ni James sa Cavaliers bago lumipat sa Miami Heat.
Sa pagtatapos ng 19-game winning streak ng Atlanta Hawks mula sa 100-115 kabiguan sa New Orleans Pelicans, ang Cleveland ang bagong pinakamainit na koponan ngayon sa NBA.
Nagdagdag si Kevin Love ng 15 rebounds, habang nagsalpak si Matthew Dellavedova ng tatlong mahalagang 3-pointers sa fourth quarter para sa panalo ng Cavaliers na tinamkaban ang 76ers ng 20 points sa third period.
Ang ikalawang tres ni Dellavedova ang nagbigay sa Cleveland ng 91-83 abante sa huling 2:36 minuto para tuluyang ipagpag ang Philadelphia.
Humakot naman si Anthony Davis, nanggaling sa isang left groin strain, ng 29 points at 13 rebounds para tulungan ang Pelicans sa pagsikwat sa kanilang ikaanim na panalo sa huling pitong laro.
Nauna nang nanalo ang New Orleans sa Dallas at Los Angeles Clippers para sa kanilang 26-22 record at makadikit sa Phoenix (28-22) para sa eighth place sa Western Conference.
Nagdagdag si Eric Gordon ng 20 points para sa New Orleans, habang may 15 markers si Tyreke Evans bukod sa pagduplika sa kanyang season high na 12 assists.
Sa Oklahoma City, naglista si Russell Westbrook ng kanyang triple-double sa season at pang-10 sa kanyang career para tulungan ang Thunder sa 104-97 panalo laban sa Orlando Magic.
Naglaro ang Oklahoma City nang wala ang may injury na si Kevin Durant.
Nagtala si Westbrook ng 25 points, 14 assists at 11 rebounds.
“It was a special game for him,’’ sabi ni Thunder coach Scott Brooks kay Westbrook. “He was attacking, he was making plays, guys were making shots for him and he was rebounding the ball.’’
Nagdagdag si Dion Waiters ng 24 points, habang may 16 markers si Serge Ibaka para sa Oklahoma City.
Dahil sa panalo ay tinapos ng Thunder ang kanilang naunang dalawang sunod na kamalasan.
- Latest