Bagong Phl volleyball team bubuuin
MANILA, Philippines - Matapos makuha ang basbas ng international volleyball federation (FIVB), pagpupursigihan ngayon ng Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) ang pagbuo sa pambansang koponan para sa dalawang malaking kompetisyon na sasalihan ng bansa.
Ayon kay POC 1st Vice President Joey Romasanta, isang pagpupulong ang gagawin kasama ang mga national coaches na sina Roger Gorayeb at Sammy Acaylar sa Lunes upang desisyunan kung sino ang mga manlalarong kukunin para ihanda sa 1st Asian U-23 Women’s Championship na gagawin sa bansa sa Mayo at ang Singapore SEA Games sa Hunyo.
“Ngayong nagsalita na ang FIVB, dapat ay umusad na tayo at harapin at paghandaan ang pagbuo ng malakas na pambansang koponan para sa dalawang international tournaments na ating sasalihan,” wika ni Romasanta na siyang inaasahang uupo bilang pangulo ng LVP.
Nagsalita ang pangulo ng FIVB na si Ary Graca na bibigyan ng probationary recognition ang LVP at gagawin ito bilang official recognition kung makakapagsagawa ng halalan sa Pebrero 15.
Ang sulat ay ipinadala kay POC president Jose Cojuangco Jr. at isinapubliko noong Miyerkules matapos ang POC General Assembly meeting.
Malaki rin ang paniniwala ni Romasanta na ang mga manlalaro na unang tumanggi na sumama sa binubuong koponan ng LVP ay sasama na ngayong may basbas na ito ng FIVB.
Dahil may desisyon na ang international body, kailangan na ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na lisanin ang tanggapan sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.
“It is logical that the PVF leave their office now that the FIVB has made a decision,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Nasa batas ng PSC na ang mga National Sports Associations (NSAs) na may rekognisyon ng POC at IF ang puwede lamang bigyan ng ayuda ng Komisyon at kasama rito ang pagkakaroon ng mga opisina sa mga pasilidad na pinangangasiwaan ng komisyon. (AT)
- Latest