MANILA, Philippines – Nakita ang galing ng junior netter na si Alberto “AJ” Lim nang makakuha siya ng dalawang titulo sa dalawang ITF tournaments sa India kamakailan.
Ang huling sinalihan ni Lim ay ginawa sa New Delhi mula Enero 12 hanggang 17 at ito ay isang Grade 2 ITF event para mailista ng 15-anyos Filipino netter ang pinakamalaking panalo sa kanyang career.
Hindi natalo si Lim sa kabuuang limang laro at nakita ang kanyang tibay nang bumangon mula sa pagkatalo sa first set tungo sa mga panalo sa semifinals at finals.
Si Ito Yuya ng Japan ang kanyang sinibak sa semifinals, 6-7(3), 6-2, 6-4, bago isinunod si Cing-Yang Meng ng Chinese Taipei sa 4-6, 6-2, 6-3 iskor.
Bago ito ay kumampanya muna si Lim sa isang Grade 3 event sa Changdigarh mula Enero 5 hanggang 10 at si Ito ang siya niyang hiniya para sa titulo sa 7-6 (5), 6-4.
Lumahok din si Lim sa doubles pero puma-ngalawa lang siya sa dalawang kompetisyon.
Nagsimula si Lim bitbit ang 149th ranking combined (singles/doubles) at inaasahang aangat siya matapos ang dalawang panalo at dalawang pangalawang puwestong pagtatapos. (AT)