Ibarra nagpasikat
MANILA, Philippines – Nagpasikat ang anak ng premyadong kabayo na Ibarra na Pamulinawen nang pangunahan ang 3YO Handicap race noong Martes ng gabi sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Ang tatlong taong filly na Pamulinawen na diniskartehan ni Val Dilema ang siyang nakapagdomina sa 3YO Handicap race na inilagay sa 1,400-metro distansya.
Anim na kabayo ang naglaban at kondisyon ang nanalong kabayo dahil banderang-tapos ang nangyari sa tagisan.
Naglaban sa pangalawang puwesto ang Pag Ukol Bubukol, Mayday at Luau pero nakahulagpos ang Mayday papasok sa rekta para makuha ang pangalawang puwesto.
Umabot pa sa P18.50 ang ibinigay sa win habang ang 5-2 forecast ay naghatid ng P23.00.
Unang nagpapansin sa gabing ito ay ang Malaya na pinangatawanan ang pagiging outstanding favorite sa Special Class Division race sa 1,600-metro distansya.
Si Jonathan Hernandez pa rin ang hinete ng apat na taong gulang na kabayo na tumapos sa ikaapat na puwesto sa pangkalahatan kung kita sa horse racing noong nakaraang taon ang pag-uusapan.
Banderang-tapos ang ginawa ng tambalan na isang malakas na mensahe na mas magiging palaban ang Malaya sa taong 2015.
Malayong pumangalawa ang That Is Mine sa pagdadala ni RF Torres para madehado pa ang forecast na 3-1 sa P25.00. Ang win ay nagresulta sa balik-tayang dibidendo (P5.00).
Ang iba pang nanalo ay ang Pag Asa sa race two, Princess Jem sa race four, Cool Summer sa race five, Palakpakan sa race six, Mo Neck sa race seven at Never Cease sa race eight. (AT)
- Latest