MANILA, Philippines - Pangungunahan ni retired cuemaster Antonio Gabica, nagwagi ng gold medal sa men’s 9-ball singles noong 2006 Asian Games, ang grupo ng 17 dating atleta na bibigyan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng pondong P1.83 milyon bilang “retirement benefits” sa ilalim ng Republic Act 9064 or the Incentives Act.
Makakakuha si Gabica ng P427,500 bilang retirement pay.
Sa ilalim ng RA 9064, ang isang national athlete na nagwagi sa Southeast Asian Games, Asian games, Olympics at sa quadrennial world championships ay maaaring makakuha ng lump sum na katumbas ng 25 porsiyento sa kanyang kabuuang cash incentives mula sa pagsisimula ng kanyang career hanggang sa pagreretiro niya.
Sina dating national boxers Joan Tipon at Violita Payla ay tatanggap ng P287,500 at P252,500, ayon sa pagkakasunod.
Makakakuha rin ng kanilang mga retirement pay sina Olympian Harry Tañamor (P187,500), Busan Asian Games 9-ball doubles champion Antonio Lining (P150,000), 2005 SEAG gymnastic gold winner Roel Ramirez (106,834) at nine-time SEAG judo champion John Baylon (P100,000).
Ang iba pang retiradong boksingerong kasama sa first batch ay sina Mitchel Martinez (P40,000), Larry Semillano (15,000), Juanito Magliquian, Jr. (P37,500), Joegin Ladon (P27,500), Doha Asiad bronze medalists Genebert Basadre (P50,000) at Godfrey Castro (P37,500) at Bill Vicera (P27,500).
Ang iba pa ay sina Olympian marathoner Roy Vence (P37,500), Bangkok Asiad bronze medalist Manel Ycasas (P25,000) at wushu artist Mary Jane Estimar (P25,000).