Aces vs Beermen sa finals sinibak ang Painters sa semis, 4-2
MANILA, Philippines – Limang three-point shots ang isinalpak ni veteran Dondon Hontiveros sa fourth quarter, habang sinunggaban naman ni center Sonny Thoss ang isang defensive rebound para sa pag-entra ng Aces sa championship series.
Tumapos si Hontiveros na may 17 points para tulungan ang Alaska sa 79-76 panalo laban sa Rain or Shine sa Game Six at tapusin ang kanilang best-of-seven semifinals series sa 4-2 sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Makakasagupa ng Aces ang San Miguel Beermen, winalis ang Talk ‘N Text Tropang Texters sa kanilang semis series, 4-0, sa best-of-seven title showdown simula sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang pang-27th finals appearance ng Alaska.
Gamit ang kanilang matinding depensa, pinuwersa ng Aces ang Elasto Painters sa 14 mintis sa three-point range, kasama rito ang desperadong tres ni Jeff Chan sa final buzzer na kinalawit ni Thoss para sa panalo ng Alaska.
“That’s our identity,” sabi ni Aces head coach Alex Compton. “Kailangan defensive team muna kami. I’m just proud of these guys.”
Nagdagdag si Calvin Abueva ng 15 points kasunod ang 11 ni Thoss at tig-6 nina Cyrus Baguio at Vic Manuel.
ALASKA 79 - Hontiveros 17, Abueva 15, Thoss 11, Baguio 6, Manuel 6, Menk 6, Jazul 5, Exciminiano 4, Dela Cruz 4, Casio 3, Banchero 2, Eman 0, Dela Rosa 0, Espinas 0.
Rain or Shine 76 - Chan 14, Almazan 11, Uyloan 9, Araña 9, Belga 9, Lee 7, Ibañes 6, Norwood 4, Tang 4, Quiñahan 3, Teng 0, Tiu 0, Cruz 0.
Quarterscores: 20-16; 36-28; 56-60; 79-76.
- Latest