MANILA, Philippines - Mga liyamadong kabayo ang mga nagpasikat sa pagtatapos ng pista ng karera sa 2014 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Noong Miyerkules ginawa ang huling karera para sa nagdaang taon at ang Messi ay nagkaroon din ng panalo sa buwan ng Disyembre nang pangatawanan ang pagiging paborito sa class division 3 na pinaglabanan sa 1,400-metro distansya.
Bago ito ay kumarera ang Messi sa Philracom Grand Derby at tumapos ito sa pang-apat na puwesto sa karerang dinomina ng Malaya.
Ang Robert’s Magic ang siyang pumangalawa sa karera at ang 1-6 forecast ay umabot sa P15.50 habang ang win ay nagpasok ng P5.50 dibidendo.
Nagkaroon din ng magandang pagtatapos ang kampanya ng Cat’s Dream nang kunin ang pangunguna sa 2YO maiden A race sa 1,300-metro distansya.
Walang nakasabay sa malakas na ipinakita ng kabayong sakay ni John Alvin Guce para sa banderang-tapos na panalo.
Halos walong dipa ang layo ng nagwagi sa pumangalawang Mactan Island para magkaroon ng P7.50 sa win habang ang 6-2 forecast ay mayroong P24.00 dibidendo.
Ang B Quick na hawak ni Kevin Abobo ang kumuha sa isa pang 2YO Maiden (A & B) race.
Ito ang unang panalo ng B Quick na hindi natinag sa hamong ibinigay ng napaboran sa karera na Yani’s Song sa pagdadala ni Christian Garganta.
Lamang ang kabayo pagpasok sa unang 100-metro sa 1,300m karera pero ang Yani’s Song na nalagay sa ikalimang puwesto sa alisan sa hanay ng pitong kabayong naglabanan ay nalagay na sa pangalawang puwesto.
Halos sabay na ang B Quick at Yani’s Song papasok sa rekta pero may inilabas pa ang una para manalo ng dalawang dipa sa meta.
Nasa P13.50 ang ibinigay sa win habang ang 6-4 forecast ay mayroong P35.00 dibidendo.
Ang lumabas na dehadong kabayo sa araw na ito ay ang Promise sa pagdiskarte ni Claro Pare Jr.
Ikatlong panalo ito ng Promise sa huling buwan ng 2014.
Ang pitong taong kabayo ay uminit sa back stretch at kahit naghabol pa ang Krissy’s Gift ay may ibinuga pa sa rekta para sa tagumpay.
Naghatid ang win ng P17.00 habang P56.00 ang ibinigay sa 10-3 forecast.
Ang iba pang kabayong nagkaroon ng panalo bago nagpalit ang taon ay ang West Dream sa race one, Mr. Tatler sa race three, Urgent sa race five, Si Senor sa race seven, Elusive Cat sa race eight, Appointment sa race nine at Chevrome sa race ten. (AT)