Para sa darating na PBA Commissioner’s Cup: Dozier ibabalik ng Alaska Aces
MANILA, Philippines - Hindi pa man natatapos ang kanilang best-of-seven semifinals series ng Rain or Shine ay may ginagawa nang preparasyon ang Alaska para sa darating na 2014-2015 PBA Commissioner’s Cup.
Pipilitin ng Aces na makuhang muli si 2013 Best Import Rob Dozier sa hangaring mabawi ang korona sa Purefoods Hotshots, dating San Mig Coffee Mixers.
Naglalaro ang 6-foot-8 na si Dozier sa isang liga sa Dubai at posibleng bumalik sa bansa sa susunod na linggo.
Tinulungan ni Dozier ang Alaska sa paghahari noong 2013 PBA Commissioner’s Cup.
Muli siyang naglaro sa Alaska noong nakaraang taon ngunit nabigong idepensa ang kanilang titulo na inagaw ng San Mig Coffee Mixers.
Si Dozier ay naglaro sa US NCAA finals noong 2008 para sa Memphis Tigers team na kinabibilangan nina NBA players Derrick Rose, Chris Douglas-Robert at Joey Dorsey.
Kagaya ni Dozier, may pinaglalaruan ding liga si import Wayne Chism na planong ibalik ng Rain or Shine.
Inihatid ni Chism ang Elasto Painters sa semifinal finish noong nakaraang taon.
Samantala, puntirya naman ng Globalport ang sinuman kina Derrick Caracter at Hakin Warrick.
Si Caracter ay dating naglaro sa Los Angeles Lakers at si Warrick ay isang eight-year NBA veteran na kumampanya para sa Memphis Grizzlies, Milwaukee Bucks, Chicago Bulls, Phoenix Suns, New Orleans Pelicans at Charlotte Bobcats.
Si Warrick ay miyembro ng Syracuse team na naghari noong 2003 NCAA. (RCadayona)
- Latest