Habang pupungas-pungas pa ang halos lahat matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon, “business as usual” na ang karamihang PBA ball clubs.
Alalay sa selebrasyon ang Alaska Milk at Rain or Shine dahil sa paghahanda sa pagpapatuloy ng kanilang 2014-2015 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinal showdown sa Linggo sa MOA Arena.
Tangan ang 3-2 lead, may dalawang tsansa ang mga Aces na tumuntong sa PBA Finals sa kanilang first full conference sa ilalim ni coach Alex Compton.
Sa unang araw ng 2015, simula na rin ng trabaho para sa ibang teams, partikular sa mga coordinators sa paghanap ng import sa paparating na PBA Commissioner’s Cup.
Sa America sumalubong ng Bagong Taon si Meralco team manager Paolo Trillo dahil siya ang naghahanap ng import para sa kanilang koponan.
Hindi ako sigurado kung nasa America na rin o papunta pa lamang si Purefoods Star head coach Tim Cone.
Ang aking alam ay US-bound siya matapos mapurnada ang planong ibalik si Denzel Bowles (height problem) at ang tangkang papirmahin si dating Alaska import Rob Dozier.
Kasalukuyang nag-uusap naman sina Globalport team manager BJ Manalo at Alaska governor/team manager Dickie Bachmann, sumusubok maisara ang deal sa kanilang import prospects.
Ang aking naulinigan, nagta-tug of war sa kasalukuyan ang Globalport at Purefoods para sa serbisyo ni Derrick Caracter.
Listed na 6-foot-9 power forward/center si Caracter na kinabibilangan ng paglalaro sa Los Angeles Lakers noong 2010-2012.
Beterano rin siya ng maraming international leagues kasama na ang paglalaro sa Puerto Rico, Israel, Brazil at Greece.
Ang kampo ng NLEX ay handa nang bumalik sa training dahil nakatakda silang lumaro sa Dubai International Tournament sa Jan. 14-25.
Masusubukan nila doon ng maaga ang kakayahan ni Al Thornton, isa pang legit na NBA player na nakuha nilang import para sa parating na PBA second conference.
Si PJ Ramos ng Kia Motors at Chris Charles ng Blackwater ang iba pang garantisado nang magpapakita ng gilas bilang import sa darating na PBA Commissioner’s Cup.