MANILA, Philippines - Naibalik ng Si Señor ang galing nito nang magwagi ang kabayo sa nilahukang karera noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Isang class division 4 sa 1,300-metro distansya ginawa ang karera at hindi naubos ang kabayong diniskartehan ni Mark Alvarez kahit sinabayan ang malakas na panimula ng Balatkayo sa pagdadala ni Rodeo Fernandez.
Bumandera agad ang Balatkayo habang ang napaborang Si Señor, Market Vallue at Great Care ang nasa sumunod na tatlong puwesto hanggang umabot na sa tres-octavo ang karera.
Dito ay humataw na si Alvarez habang ang Great Care ni EP Nahilat ay rumemate na rin para gawing three-horse race ang labanan pagpasok ng rekta.
Malakas pa ang sipa ng Si Señor at pagpasok sa huling 100-metro ng karera ay lumayo na sa dalawang kasabayan.
Naunang nailusot ng Great Care ang ulo nito para kunin ang ikalawang puwesto sa Balatkayo.
Pumangalawa lamang ang Si Senor noong Agosto 16 sa nasabing race track at ang win ang nagbigay ng hustisya sa paniniwala ng mga karerista na patok ito sa walong naglaban.
Umabot pa sa P14.00 ang win habang ang 6-7 forecast ay may P13.00 dibidendo.
Si Alvarez ang isa sa apat na hinete na nakadalawang panalo sa walong karerang pinaglabanan matapos makansela ang karera sa nasabing pista noong Lunes dahil sa bagyong Hagupit.
Ang isa pang panalo ni Alvarez ay galing sa Garnet.
Sina Jonathan Hernandez, Dominador Borbe Jr. at Claro Pare Jr. ang iba pang hinete na nakadalawa sa ikalawang gabi sa tatlong sunod na gabi ng karera sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc.
Nangibabaw sa pagdadala ni Hernandez ang mga kabayong Malaya at Batingaw, si Borbe ay nanalo sa mga kabayong April Style at Apo Express habang si Pare ay nagbigay kasiyahan sa mga panatiko ng Herran at Ifyourhonorplease. (AT)