Chongson binigyan ng leksiyon ni Salud

MANILA, Philippines – Pinagmulta ni PBA commissioner Atty. Chito Salud si Tanduay Light Rhum Masters coach Lawrence Chongson ng P150,000.00 at sinuspindi ng isang laro bunga ng maaanghang na pahayag na binitiwan laban sa PBA D-League.

Pinagpaliwanag ni Salud si Chongson sa mga pahayag na hindi balanse ang labanan sa liga dahil pinapayagan ang isang koponan na makuha ang lahat ng mahuhusay na manlalaro.

Tinukoy ni Chongson ang Hapee Toothpaste at bukod pa rito ay sinabi niyang kaalyado ng koponan  ni businessman/sportsman Manny V. Pangilinan dahil ito ang pumalit sa multi-titled NLEX Road Warriors. Ang NLEX ay umakyat na sa PBA.

Sa kalatas ng Commissioner’s Office, tinawag ni Salud na “reckless and unsubstantiated” ang mga pahayag ni Chongson  para siya ay parusahan.

“Coach Chongson had been strongly advised by this Office to observe caution in conducting public interviews in the future dealing with topics that may negatively impact on the best interests of the league as well as, be considered hurtful and damaging to the stature and goodwill of other member teams,” wika ni Salud.

Nagulat naman si Chongson sa laki ng halaga ng kanyang multa bagama’t  inaasahan na niya ito at sinabi rin niyang hindi na rin nila hahabulin si Mac Belo na may kontrata pa sa kanilang koponan pero naglaro sa MJM M-Builders-FEU sa liga.

“As per marching order ni boss Bong Tan, move on na kami. May request lang (Tan) sa M-Builders/FEU na magpaalam sa kanya ng maayos,” ani Chongson. (AT)

Show comments