MANILA, Philippines – Nakikita ni guard A.J. Mandani na makakatulong ang PBA D-League para mahasang muli ang kanyang kaalaman sa paglalaro upang maisakatuparan ang hangaring makabalik sa professional league.
Ang 6-foot-1 na si Mandani ay maglalaro para sa Tanduay Light Rhum Masters sa PBA D-League Aspirants’ Cup at ang pagiging malakas na liga ang kanyang sinasandalan para mas tumibay ang ipinakikitang laro.
“The PBA D-League is a competitive league and this is a chance for me to build confidence and develop my game again. I’ll try to keep on improving every game,” wika ng Fil-Canadian.
Si Mandani ay dating naglaro sa liga sa Blackwater Sports Elite bago umakyat sa PBA at kinuha bilang 14th pick ng Globalport noong 2012.
Umabot sa 29 games ang kanilang inilaro sa Batang Pier at naghatid ng disenteng 5.1 puntos, 2.1 rebounds at 1.8 assists.
Nalipat siya sa Meralco dahil sa trade pero nabangko siya sa koponan hanggang sa binitiwan na.
Hindi lamang pansarili ang balak gawin ni Mandani habang nasa Rhum Masters dahil pagsisikapan din ng 27-anyos manlalaro ang tulungan ang koponan sa playoffs.
“I think we can compete against any team in this league. For as long as we keep on working hard, put our focus in every game and play as a team, we can compete against anybody,” dagdag nito.
Ang paniniwalang ito ni Mandani ay masusukat sa pagharap ng Tanduay laban sa MJM M-Builders sa Lunes.