MANILA, Philippines – Kaagad na kumuha ng panalo ang Cignal matapos talunin ang RC Cola-Air Force, 25-17, 25-23, 25-23, sa pagbubukas ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na inihahandog ng Asics kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagbida si import Sarah Ammerman para sa HD Spikers sa torneong itinataguyod ng Sports Core with Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Jinling Sports at LGR bilang technical partners.
Humataw ang 6-foot-3 na si Ammerman ng 15 hits, 2 aces at 1 block para tumapos na may 18 points bukod pa sa kanyang depensa na pumigil sa pagbangon ng Raiders.
Umiskor si Lindsay Stalzer ng 15 points, habang si Abigail Praca ay may 11 markers para sa Cignal.
Sina Ammerman at Stalzer ay dalawa sa 12 imports na kinuha sa torneong may basbas ng Philippine Volleyball Federation, Asian Volleyball Confederation at ng International Volleyball Federation.
Si Emily Brown ay nagposte ng 16 kills at 2 blocks para sa kanyang 18 points, habang may 9 markers lamang si Bonita Wise sa panig ng Raiders.