Bumawi ang The Scheduler
MANILA, Philippines - Nakabawi ang kabayong The Scheduler sa ‘di magandang ipinakita sa huling takbo nang masama sa hanay ng mga nanalo sa pagsisimula ng pista sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.
Si Pat Dilema pa rin ang dumiskarte sa kabayo at ang tambalan ay galing sa pang-apat na puwestong pagtatapos noong Oktubre 2 kahit ipinalagay na palaban sa sinalihang karera.
Nagpatuloy ang tiwala sa The Scheduler at sa pagkakataong ito ay hindi na napahiya ang kabayo sa pagdadala ni Dilema sa 2YO Maiden A & B sa 1,400-metro distansya.
Dikit na second choice ang two-year old colt na pag-aari ni Patrick Uy, sa Buenos Aires ni Kevin Abobo at ang dalawa ang nagbakbakan sa pagbukas ng aparato.
Lamang agad ang The Scheduler at habang lumalim ang karera ay lalong bumangis ang takbo ng naturang kabayo at tila gustung-gusto ang maputik na pista.
Sa far turn ay nasa limang dipa na ang layo nito sa mga katunggali bago nakontento sa walong kabayong agwat sa pagtawid sa meta.
Ang napaborang kabayo ay naubos at nalagay lamang sa ikalimang puwesto kasunod ng Pradera Verde, Heavenly Fields at Si Barretto.
May P9.00 ang ibinigay sa win habang ang 7-10 forecast ay nagpamahagi pa ng P32.50.
Lumabas bilang pinakapaboritong kabayo na nagwagi ay ang Tarzan sa class division 1 race sa 1,400-metro habang ang nakapanggulat ay ang Aliyana sa isang Handicap Race 8A.
Walang nakita na masamang epekto ang mahigit na isang taong bakasyon ng Tarzan sa pagdiskarte ni Abobo.
Hindi na kinailangan pa ni Abobo na gamitan ng latigo at apat na taong colt na pag-aari ni Atty. Norberto Morales at anak ng Heza Gone West at Canaan Ribbon dahil kusang iniwan ng Tarzan ang mga katunggali.
Sa back stretch, kinuha ng Tarzan sa Yellow Cat ang kalamangan at mula rito ay solong binagtas ang daan patungo sa meta.
Ang win ay may P6.00 dibidendo habang ang pagsegunda ng Babe’s Magic na 8-6 ay may P37.50 dibidendo.
Ipinagabay naman ang Aliyana kay John Alvin Guce at nakuha ng Triple Crown champion jockey ang tamang diskarte para makasilat ang nasabing kabayo.
Nalagay muna ang Aliyana sa pang-anim na puwesto pero noong nakasilip ng daanan ang apat na taong filly ay kinuha agad ang liderato para sa solong pagtawid sa meta.
Sa papasok ng far turn, bumuka ang daanan at ito ang ginamit ni Guce para agawin ang bandera sa mga nagbabakbakan sa unahan na Oh My Rairai, Crotales at Go Ada Go.
Ang Princess Rock sa pagdadala ni RM Telles at paborito sa pitong naglabanan ang siyang nalagay pa sa ikalawang puwesto.
Hindi tumimbang ang Aliyana sa huling mga takbo kaya’t umabot pa sa P355.00 ang dibidendo sa win habang P737.50 ang ipinasok sa 7-3 forecast. (AT)
- Latest