Ateneo gustong tapusin agad ang NU
MANILA, Philippines - Target ngayon ng Ateneo Blue Eagles ang madagit ang unang upuan sa 77th UAAP men’s basketball Finals sa pagharap sa National University sa Smart Araneta Coliseum.
Sa ganap na ika-4 ng hapon magsisimula ang bakbakan at asahan na handa ring mangagat ang Bulldogs para manati-ling buhay ang pag-asa na makatapak sa championship round.
Ang isa pang semifinals match sa pagitan ng FEU Tamaraws at nagdedepensang kampeong La Salle Green Archers ay magsisimula sa Sabado at ang Tamaraws tulad ng Ateneo ang may twice-to-beat advantage.
Nanguna ang tropa ni coach Bo Perasol sa double round elimination sa 11-3 karta pero hindi nila nagawang talunin ang bataan ni coach Eric Altamirano sa dalawang laro.
Nakikita ng second year coach na si Perasol na pahirapan uli ang match-up lalo na sa ilalim dahil may mahuhusay na malalaking manlalaro ang Bulldogs sa pangunguna ni Alfred Aroga.
“Sobrang challenging palagi ang personnel match up namin against NU lalo na sa frontline. Pero walang atrasan ito at lalaban kami hanggang sa huli,” pahayag ni Perasol.
Napahinga ang koponan sa loob ng 11 araw pero tiniyak ng coach na hindi nawala ang magandang kondisyon ng mga manlalaro para manati-ling malakas ang planong makabalik uli sa cham-pionship round na huling naabot noong Season 75.
Si Kiefer Ravena, na siyang gagawaran ng MVP ng liga, ay ma-ngunguna sa pag-atake sa Ateneo pero naroroon uli ang suporta galing kina Chris Newsome, Von Pessumal at Nico Elorde.
Krusyal para sa Eagles ang ipakikita ng mga malalaking manlalaro sa pamumuno nina Arvin Tolentino at Alfonso Gotladera para mapigilan ang matatag na frontline ng National U.
“Walang halaga ang resulta sa elimination round dahil iba ang Final Four. Kailangan lang na mag-focus kami sa laro at gawin ang dapat naming gawin para magkaroon ng chance na manalo,” tugon ni Altamirano. (AT)
- Latest