INCHEON, South Korea – Sisimulan na ng Smart Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa gintong medalya sa 2014 Asian Games basketball competitions na gaganapin sa Hwaseing Sports Complex Gymnasium dito.
Unang makakasagupa ng National team na nasa Group E ang India na nanguna sa Group B matapos durugin ang Kazakhstan, 80-61 sa pagtatapos ng preliminary round kahapon.
May 1-1 karta ang India, Kazakhstan at Saudi Arabia pero lumabas na may pinakamataas na quotient ang India bago sumunod ang tinalong koponan na napunta naman sa Group C kasama ang nagdedepensang kampeong China at Chinese Taipei.
Ang laro ay itinakda sa ganap na alas-2 ng hapon (ala-una sa Maynila) at maiuusad ng mananalong koponan ang isang paa patungo sa knockout quarterfinals.
Ang 2013 FIBA Asia Men’s Championship gold medalist Iran ang kukumpleto sa tatlong koponan sa Group E at ito ay makakaharap ng Gilas sa Huwebes (Setyembre 25).
Nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ng koponan ang India at tiyak na pagtutuunan ng depensa ay sina Joginder Singh at Anton Ponomarev.
Tumapos si Singh taglay ang 25 puntos mula sa 9-of-14 shooting, habang 16 puntos at 14 boards ang ginawa ni Ponomarev.
“First, we want to scout our rivals and practice. That’s our main concern right now,” pahayag ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes.
Nakapagsanay na ang Gilas Pilipinas sa Songdo High School gymnasium kaya’t inaasahang nakaa-gapay na ito sa bahagyang malamig na panahon bukod sa matigas na bola na ginagamit sa kompetisyon.
Ipaparada ng Gilas Pilipinas ang naturalized player na si Marcus Douthit kasama sina Jimmy Alapag, Japeth Aguilar, Paul Lee, June Mar Fajardo, Ranidel De Ocampo, Gabe Norwood, Jared Dillinger, LA Tenorio, Marc Pingris, Jeff Chan at Gary David.
Maliban kina Douthit at Dillinger, ang ibang kasapi ay galing sa kampanya sa 2014 FIBA World Cup sa Spain na nagtala ng makasaysayang panalo versus Senegal.
Ang karanasang nakuha ay makakatulong para maisantabi ang malakas na hamon ng iba pang kasa-ling koponan.
Tataas din ang morale ng Pambansang manlalaro dahil ang mga Filipino na naninirahan o nagtatrabaho sa Seoul ay dadayo sa Incheon para suportahan ang koponan.