Nakabalik na sa Pilipinas ngunit patuloy pa ring tumataba ang puso ng mga miyembro ng Gilas Pilipinas sa mga pangyayari sa FIBA World Cup sa Spain.
Tignan na nga lamang ang paggiba ng France kontra sa host team Spain, 65-52 sa quarterfinals kahapon sa Madrid.
Di ba’t kinaya ng Gilas Pilipinas ang labanang gitgitin sa halos buong laro ang France bago tumupi sa endgame ng kanilang paghaharap sa Antibes pocket tourney sa Antibes, France?
Yumuko ang mga Filipino laban sa mga Frances, 68-75, ngunit pinakaba muna nila ng husto sina Boris Diaw at ang kanyang mga teammates.
Matatandaang lamang pa ang Gilas Pilipinas, 60-55 papasok ng huling pitong minuto ng laro.
Umuwi ang Gilas Pilipinas na taas noo sa kanilang ipinakita sa FIBA World Cup Group B competition sa Seville, Spain kontra Greece, Croatia, Argentina, Senegal at Puerto Rico.
Umuwing tangan ang 1-4 record na maaari sanang 4-1, 3-2 o 2-3 kung hindi sa mga endgame meltdown na isinisisi ni coach Chot Reyes sa kakulangan nila ng experience sa international games.
Statistics-wise, naipakita ng Gilas Pilipinas na kaya nilang makipagsabayan sa mga higanteng koponan sa buong mundo.
Sa comparative standings by points at goal ave-rages, tatapos ang Gilas Pilipinas sa No. 19 overall o pangatlo sa mga koponang hindi nakausad sa knockout stage sa likod ng Ukraine at Angola na nakahugot ng 2-3 records sa kanilang grupo sa preliminary round.
Sa mga koponang nagtala ng 1-4 marks, nasa kaitaasan ang Gilas na may minus 21 differential points, kontra minus 58 ng Puerto Rico, minus 62 ng Iran at minus 66 ng Finland.
Parehong ‘di nakalasap ng panalo ang Korea at Egypt ngunit malalagay ang mga Koreano sa 23rd place dahil sa minus 108 differential points kontra sa minus 175 ng Egypt.
***
Tungkol naman sa pagsabak sa dalawang magkasunod na major tournaments (FIBA World Cup at Asian Games) ng Gilas Pilipinas, ito ay bagay na hindi bago. Ganon din ang dinaanan ng Pilipinas noong 1954, 1974 at 1978.
Umarangkada ang Pinas sa matagumpay na championship run sa Asian Games sa buwan ng Mayo sa Rizal Memorial Coliseum at hinugot ang record na bronze-medal finish sa World Championship sa Rio de Janeiro, Brazil sa buwan ng Nobyembre.
Noong 1974, nauna naman ang World Championship sa buwan ng Hulyo sa San Juan, Puerto Rico bago ginanap ang Asian Games sa Tehran, Iran sa buwan ng Setyembre.
Pang-13th place sa 14 participants ang Phl team sa World Championship at pang-apat sa Asian Games.
Noong 1978 na kasagsagan na ng pro era (na noon ay ban sa Olympics at Asian Games), nagsimula ng dumausdos ang Pilipinas sa international stage.