MANILA, Philippines – Bagama’t malabo nang payagan si naturalized player Andray Blatche na makapaglaro sa 2014 Asian Games ay umapela pa rin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Olympic Council of Asia (OCA).
Sa sulat ni SBP president Manny V. Pangilinan kay OCA head Sheik Ahmad Al-Fahad Al-Sabah, sinabi ng businessman/sports patron na isang “misunderstanding” ang nangyari kaugnay sa isyu sa eligibility ng 6-foot-11 NBA veteran.
“We earnestly seek the help and support and understanding of your goodselves and allow Mr. Blatche – and our National Team – to join the brotherhood of basketball in the Asian Games. We have exerted our best efforts to persuade OCA about this “misunderstanding” of the eligibility rules for more than two months,” sabi ni Pangilinan sa kanyang liham kay Sheik.
Nauna nang nakatanggap ng sulat si SBP vice-chairman Ricky Vargas kay OCA member Haider Farman na nagsabing hindi nakapasa sa kanilang three-year residency rule si Blatche.
At nangangahulugan na hindi puwedeng maglaro ang 27-anyos na naturalized center sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Bago ito ay kinampihan ng FIBA, ang international basketball federation, sa pamamagitan ni secretary-general Patrick Baumann, ang SBP hinggil sa paggiit nitong makalaro si Blatche.
Ngunit sinabi ng OCA na may sarili silang patakaran at hindi puwedeng gamitin ang FIBA rule sa isyu sa eligibility ni Blatche, naging maganda ang ipinakita para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
“It is our sincere hope that this “misunderstanding” would not lead the SBP to consider any alternative other than to participate, considering that the Games are due to start in less than two weeks,” sabi pa ni Pangilinan sa kanyang liham kay Sheik.
Samantala, sinabi naman ni Philippine Sports Commission chairman at Chief of Mission Richie Garcia na ilalaban niya ang eligibility ni Blatche sa idaraos na Delegation Registration Meeting bukas at sa Biyernes.
Magtutungo ngayon si Garcia, kasama si Moying Martelino, ang dating secretary-general ng Asian Basketball Confederation (ang FIBA-Asia ngayon) sa Incheon, Korea.