Torres isinama na rin sa Incheon Asian Games
MANILA, Philippines - Makakasama pa rin si ace jumper Marestella Torres sa Incheon Asian Games matapos bigyan ng go-signal ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Asiad task force.
Isinama ng task force ang two-time Olympian na si Torres sa Incheon-bound Team Phl dahil sa kanyang nilundag na 6.45-meter para sa long jump gold sa Singapore Open nitong weekend.
“She earned the slot by jumping the mark needed to qualify. That was all we asked for. She deserved it,” sabi ni PSC chairman at Team Phl chef de mission Richie Garcia kahapon.
Nauna nang tinanggal sa listahan ng Team Phl si Torres na nagbabalik sa aksiyon matapos ma-nganak noong nakaraaang taon dahil hindi ito nakapasa sa qualifying mark sa kanyang trial na ginawa sa PhilSports.
Pero pinatunayan ng 33-gulang na dating Asian champion, kabilang sa Adopt an Olympian program ng sponsor at coach na si Jim Lafferty na may ibubuga pa siya matapos ang kanyang ipinakita sa Singapore noong Sabado.
“Nagpapasalamat po ako at nabigyan akong muli ng pagkakataon na mapatunayan ko na kaya kong manalo sa Asian Games,” sabi ni Torres.
Idinagdag niyang pagkakataon niya itong maka-bawi matapos ang kanyang fourth place finish noong 2010 Asiad. Kung saan nakapagtala siya ng nangunang 6.49m jump sa kanyang unang talon ngunit na-foul sa kanyang mga sumunod na pagtatangka para maungusan ni Korean Jung Soon-ok na lumundag ng 6.53m.
- Latest