LAS VEGAS, Nevada -- Sa gabing katatampukan sana ng pagbabalik ni Chicago Bulls star Derrick Rose mula sa isang knee injury, nagkaroon naman si Indiana Pacers All-Star Paul George ng seryosong leg injury sa exhibition game ng Team USA sa Thomas & Mack Center.
Sa fourth quarter ay tinangka ni George na supalpalin ang fastbreak layup ni Houston Rockets’ guard James Harden.
Ngunit sa kanyang pagbagsak sa sahig ay tumama ang kanyang kanang binti sa basket stanchion at tumabingi.
Kaagad nagpaabot ng kanilang suporta sina Harden, LeBron James ng Cleveland Cavaliers at Blake Griffin ng Los Angeles Clippers.
“Man just landed and got a message about @Paul_George24. Made me immediately sick to my stomach!! Praying for u a speedy recovery homie!!!,” sabi ni James sa kanyang Twitter account.
“Prayers go out to @Paul_George24 and his family! Keep ya head up G!,” wika ni Harden.
Ipinanalangin din ni Griffin ang mabilisang pagbangon ni George mula sa naturang leg injury.
“Prayers up to @Paul_George24 hate to see that happen to anyone,” ani Griffin.
Sa kabila ng inaasahang mahabang pag-recover, positibo pa rin ang pagtanggap dito ni George.
“Thanks everybody for the love and support.. I’ll be ok and be back better than ever!!! Love y’all!! #YoungTrece,” ani George.
Ikinalungkot din nina Larry Bird, ang President for Basketball Operations ng Pacers, at ni NBA Commissioner Adam Silver ang nangyari kay George.
Umaasa silang kaagad makakabalik si George sa aksyon matapos ang nasabing leg injury.