MANILA, Philippines - Ang medalya sa 2020 Tokyo Olympic Games ang pangarap na maibigay ng bagong pangulo ng athletics na si Philip Ella Juico.
Sa pagbisita kahapon sa PSA Forum sa Shakey’s Malate, kanyang ipinaalam na nagsisimula na ang PATAFA na tumukoy ng mga atleta na may malaking potensyal na manalo sa mga malalaking kompetisyon katulad ng 2015 SEA Games sa Singapore.
“We have identified a number of athletes who will be given special training in preparation for 2015. Hopefully by 2020, they get medals in the Tokyo, Olympics. That’s a good six years and we hope to achieve that,” pahayag ni Juico na dati ring naupo bilang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Pinalitan ang dating pangulo na si Go Teng Kok sa eleksyon na ginawa noong Hulyo 25, ang agarang plano ng bagong PATAFA administration ay tulungan pataasin ang morale ng atletang ipadadala sa Asian Games sa Incheon, Korea.
May 10 atleta na ang nakapasa sa Asian Games criteria na inilabas ng Task Force sa pangunguna ng kasalukuyang PSC chairman na si Ricardo Garcia.
Pero hinahabol pa sa talaan si two-time Olympian at SEA Games record holder Marestella Torres.
Nabigo si Torres na maabot ang Asian Games criteria na 6.37-metro sa sinalihang Vietnam Open kamakailan nang magtala ng 6.14-metro para sa pilak na medalya.
Bunga nito ay hinihiling ng PATAFA sa Task Force na payagan ang 33-anyos na SEA Games record holder na sumali sa Weekly Relay sa Agosto 10 para magtangka sa huling pagkakataon ng puwesto sa koponan.
Ang deadline ng Asian Games organizers ay sa Agosto 15.