MANILA, Philippines - Ang pang-apat na sunod na panalo na magreresulta para makasalo sa ikalawang puwesto ang balak ng nagdedepensang Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pagharap sa UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 4-1 baraha ang Lady Rising Suns at galing sila sa impresibong 27-25, 20-25, 25-23, 25-22 tagumpay sa dating walang talo na Army Lady Troopers upang maipreserba ang pagiging natatanging koponan na winalis ang ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s.
Mas malalim ang talento ng Cagayan kumpara sa Lady Maroons na hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang limang laro.
Ang isa pang kabiguan ng UP ay magreresulta upang samahan nila ang PNP Lady Patrollers na namaalam na sa ligang may suporta ng Accel at Mikasa.
Kapag nangyari ito, libre nang aabante sa quarterfinals ang mga collegiate teams na Ateneo Lady Eagles at National University Lady Bulldogs na siyang magtatapat sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon.
Ang mangungunang anim na koponan matapos ang eliminasyon ang uusad sa quarterfinals bitbit ang kanilang win-loss records.
Isang round ang magaganap sa mga umabante at ang apat na mangungunang koponan ang maglalaban-laban sa crossover semifinals.
Ang ikatlong panalo ang makukuha ng magwawagi sa hanay ng Ateneo at NU at ang sentro ng laro ay ang tapatan ng nangunguna sa scoring sa liga na sina Alyssa Valdez at Jaja Santiago.
Ang kamador ng Ateneo na si Valdez ay naghahatid ng 25 puntos matapos ang apat na laro at siya ang namamayagpag sa attack points sa naitalang 86, habang si Santiago ay may average na 18 points sa unang limang laro sa torneo.