MANILA, Philippines - Hinigitan ng isang 18-anyos na junior athlete ang 22-year-old mark na 5.0 meters na naitala ni Ed Lasquete noong 1992 Barcelona Olympics.
Bumato si pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena ng 5.01 meters sa PATAFA weekly relays sa Philsports Oval sa Pasig City noong Linggo na bumasag sa marka ni Lasquete.
“EJ Obiena (only 18 years old) broke the 22-year-old Philippine record in pole vault in last Sunday’s PATAFA weekly relays that was participated in by 1,200 athletes,” ani Philippine Sports Commissioner Jolly Gomez kahapon.
Ayon kay PSC consultant Andrew Pirie, ang 5.01-m mark ay isa ring national juniors record dahil ang Ateneo sophomore ay isa pa ring junior athlete na magiging 19-anyos sa Disyembre.
Si Obiena ay anak ni dating Filipino pole vault champion Emerson Obiena.
“He (Obiena) has taken the junior record from 4.31 to 5.01 in the last three years, it’s really impressive,” wika ni Pirie.
Halos tatlong buwan nang nagsasanay si Obiena sa ilalim ni six-time world pole vault champion Sergey Bubka ng Ukraine sa Formia, Italy.
Maaari nang makalapit si Obiena sa Southeast Asian Games record ni Thai Kreeta Sintawacheewa na itinala sa Vientiane, Laos noong 2009.
Nilampasan ni Obiena, nagtapos bilang ikaapat sa Myanmar SEAG noong 2013, ang 5.0-meter requirement nitong taon na nagbigay-daan sa kanyang pagsasanay sa ilalim ni Bubka, ang vice president ng International Association of Athletics Federations, na namumuno sa training camp.
Si Bubka ay nagwagi ng gold medal sa Olympic Games noong 1998 sa Seoul, South Korea.