PCSO Special Maiden Race Itatakbo na sa Sabado

MANILA, Philippines - Magsisimula na sa Sabado ang malalaking karera sa buwan ng Hulyo sa paglarga ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Special Maiden Race sa San La­zaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Sa 1,400-metro pag­lalabanan ang karera at ang mananalo ay maghahatid ng P600,000,00 sa kanyang horse owner.

Ang mga nagpatala para sa karerang ito ay ang Buzzer Beater ni Mark Alvarez, Princess Ella ni John Alvin Guce, Cock A Doodle Doo ni JF Paroginog, Hook Shot ni Jeff Zarate, Super Spicy ni Fernando Raquel Jr., Jazz Asia ni JB Guerra, Enchanted ni AP Asuncion,
El Mundo ni JB Hernandez, Polka Dot Bikini ni RA Tablizo, May Swerte
Ako ni  Jesse Guce at Cat Express ni Christopher Tamano.

Inaasahang magiging paborito ang kabayong Hook Shot matapos pa­ngunahan ang isinagawang trial race noong nakaraang buwan.

Tinalo ng nasabing kabayo ang Cat Express bago sunod na tumawid ang Buzzer Beater at Super Spicy.

Sa Hulyo 13 naman magsisimula ang mga stakes races na itatagu­yod ng Philippine Racing Commission (Philracom).

Sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite gagawin ang karera na 4th leg ng Imported/Local Challenge race na bukas para sa mga kabayong edad tatlong taong gulang pataas.

Sa mahabang 1,900-­metro ang labanan at ang mananalo ay may P300,000.00 premyo mula sa P500,000.00 total pot.

Ang Crucis ang siyang nanalo sa ikatlong yugto noong nakaraang buwan na pinaglabanan sa 1,800-metro distansya.

Tampok na karera ng Philracom ay ang ikatlo at huling yugto ng Triple Crown Championship.

Sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, ito  ay itatakbo sa Hulyo 27 sa makapigil-hiningang 2,000-metro distansya.

Ang Kid Molave ang siyang magtatangka na maihanay ang sarili bilang isang Triple Crown Champion matapos dominahin ang naunang dalawang yugto na ginawa sa Metro Turf at Santa Ana sa mga distansyang  1,600-metro at 1,800-metro, ayon sa pagkakasunod.

Sa Hulyo 26 ay gagawin naman ang Hopeful Stakes race sa 2,000-metro at halagang P600,000.00 mula sa P1 milyon prem­yo ang mapapasakamay ng mananalong horse owner. (AT)

 

Show comments