Army, Air Force magpapakita ng puwersa
MANILA, Philippines - Mga military teams na Philippine Army Lady Troopers at Philippine Air Force Air Women ang magpapakita ng lakas sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Makakaharap ng Army ang UP Lady Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng Air Force at PNP Lady Patrollers dakong alas-4 ng hapon at pakay ng Lady Troopers at Lady Patrollers na gawing apat ang nasa unang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Magkasalo sa unang puwesto bitbit ang 1-0 karta ang mga collegiate teams na Ateneo Lady Eagles at National University Lady Bulldogs nang talunin ang PNP at UP sa pagbubukas ng ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa noong Linggo.
Sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga na tinu-lungan ang FEU Lady Tamaraws para magkampeon sa First Conference ang mangunguna sa Lady Troopers.
Nasa koponan din ang mahusay na setter na si Tina Salak bukod pa sa mga spikers na sina Nene Bautista, MJ Balse, Dahlia Cruz at Michelle Carolino para ipalagay na palaban ang koponan sa conference na ito.
Dahil sa solidong line-up, kakailanganin ng Lady Maroons na makitaan ng mas magandang team work para magkaroon ng tibay ang hangaring panggugulat sa nasabing laro.
Sina Katherine Bersola at Nicole Tiamzon na nagsanib sa 27 kills sa laro laban sa Lady Bulldogs, ay tiyak na hahataw uli pero dapat na gumanda ang suporta na manggagaling kina Gayle Layug, Caryl Sandoval at Arianne Ilustre upang pigilan ang paglasap ng ikalawang sunod na pagkatalo.
Hindi rin pahuhuli kung kalidad ng manlalaro ang pag-uusapan sa kampo ng Air Force dahil nasa koponan sina Iari Yongco, Judy Caballejo, Maika Ortiz, Sandra delos Santos, Joy Cases at Rhea Dimaculangan.
Ang mga manlalarong ito ang nagkapit-kamay para kunin ng koponan ang kampeonato sa Philippine National Games noong Mayo.
- Latest