BLackwater, nlex nakalapit sa finals

MANILA, Philippines - Isang laro na lang ang kailangang ipanalo ng nagdedepensang kampeong Blackwater Sports Elite at multi-titled NLEX Road Warriors para maikasa ang ikalawang sunod na pagkikita sa PBA D-League Foundation Cup Finals.

Sinandalan ng Elite ang magandang pagtutulungan ng lahat ng ginamit na manlalaro ni coach Leo Isaac upang durugin ang Jumbo Plastic Giants, 84-70 habang ang bangis ng starters ang hinugutan ng lakas ng NLEX sa 70-60 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems.

Bitbit ang 1-0 kalamangan sa best-of-three semifinals series, kailangan na lamang na makaulit ang Elite at Road Warriors sa Martes para makapasok na sa Finals na paglalabanan sa isa ring best-of-three series.

Si Gilbert Bulawan ay gumawa ng 13 puntos habang sina Jericho Cruz, Mark Cruz, Kevin Ferrer at Reil Cervantes ay nagsama sa 44 puntos para sa balanseng pag-atake na ginawa ng Elite.

Ang mga manlalarong ito ang nagtulong sa 19-9 palitan upang ang pitong puntos na kalamangan ay lumobo sa 66-49 matapos ang ikatlong yugto.

Naipasok ni Bulawan ang magandang assist mula kay Mark Cruz para itala ang pinakamalaking bentahe sa laro na 25 puntos, 75-50, na tuluyang tumapos sa hininga ng Giants.

Sina Ola Adeogun, Jake Pascual at Garvo La­nete ay nagtala ng tig-11 puntos habang si Kevin Alas ay may 10 para tulungan ang starters ng tropa ni coach Boyet Fernandez sa 51-18 kalamangan sa mga katapat sa Gems.

Apat na puntos mula sa free throw line ni Alas ang ambag niya nang pakawalan ng Road Warriors ang 9-4 palitan sa pagbubukas ng huling yugto upang itulak ang kanilang kalama-ngan sa 10, 59-49.

 

Show comments