Parks Jr. susubukan ang kapalaran sa NBA

MANILA, Philippines - Hahakbang si Bobby Ray Parks Jr. sa panibagong kabanata sa kanyang basketball career.

Ang two-time UAAP MVP na si Parks ay nasa US na upang simulan ang hangarin na maging kauna-unahang Filipino na makapasok sa NBA.

“Thank you Lord for getting me to LA safe and sound..now it begins..thanks to everyone who has my back! Love yall!” tweet ni Parks.

Ramdam din kay Parks ang pananabik na tahakin ang bagong landas lalo pa’t isa ito sa kanyang ipinangako sa kanyang nasirang ama na si dating PBA 7-time Best Import awardee Bobby Ray Parks Sr.

“Been 21 years in the making to gain this opportunity..now its time to follow our dream, dad,” dagdag ni Parks.

Dahil sa pagnanais na maisakatuparan ang pangarap ng lahat ng basketbolista kaya’t matapos ang basketball season sa UAAP ay lumabas na ang balitang hindi na babalik ang 6’3” kaliweteng shooter sa Bulldogs.

Bago umalis ay nag-laro panandalian si Parks sa PBA D-League kasama ang multi-titled NLEX Road Warriors.

Apat na laro ang sinabakan nito at naghatid siya ng 12.5 puntos, 4.7 rebounds, 3 assists at tig-isang block at steal kada laro para tulungan ang NLEX na umabante sa 7-0 karta.

Wala pang linaw kung ano ang diskarteng gagawin kay Parks pero marami ang naniniwalang may magbibigay sa kanya ng pagkakataon para maki-pag-ensayo upang maka­pa­sok sa NBA Summer League.

Si 6’9 Japeth Aguilar ang huling Filipino bas­ketball player na nag­tang­ka pero nabigo na ma­kakuha ng puwesto sa NBA. (ATan)

 

Show comments