Pagkakataon na ng Talk ‘N Text

MANILA, Philippines - Ito na ang pinakama-laking pagkakataon para makamit ng Tropang Texters ang unang finals berth.

Kaya naman hangga’t maaari ay ayaw na itong pakawalan ni head coach Norman Black.

“We have a goal in mind and that is to reach the championship,” wika ni Black, nagbigay ng Grand Slam sa San Miguel Beer noong 1989. “We’ll try to finish this.”

Dala ang malaking 2-0 bentahe, pipilitin ng Talk ‘N Text na walisin ang Rain or Shine sa kanilang best-of-five semifinals series at sikwatin ang unang Finals ticket para sa 2014 PBA Commissioner’s Cup.

Nakatakda ang Game Three ngayong alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tinalo ng Tropang Texters, hangad ang kanilang ikalawang finals appea-rance matapos pagharian ang 2013 PBA Philippine Cup, ang Elasto Painters sa Game One, 91-85 at Game Two, 94-87.

Kabilang ang nine-game sweep sa elimination round, kasalukuyang nasa isang 12-game winning streak ang Talk ‘N Text.

“Yes, there’s always pressure whether it’s a winning streak or losing streak, though we haven’t talked about the (12-game win) streak,” sabi ng 56-anyos na si Black.

Sa Game Two ay halos hindi nagamit ng Tropang Texters si import Richard Howell sa second half matapos itong malagay sa foul trouble.

Ngunit dinala nina Jimmy Alapag, Ranidel De Ocampo, Kelly Williams at Jayson Castro ang Talk ‘N Text sa fourth quarter para ibaon ang Rain or Shine sa kanilang semis showdown.

Sa panig ng Elasto Painters, hindi na nakapag-laro si import Wayne Chism matapos magkaroon ng knee injury dahil sa kanyang masamang pagbagsak sa second quarter.

Hindi rin nakuha ng Rain or Shine ang serbis-yo ng mga may inury na sina JR Quiñahan, Chris Tiu at Jervy Cruz, nagkaroon ng MCL (medial collateral ligament) sprain sa kanyang kanang tuhod sa kanilang team practice noong Martes.

Kasalukuyan pang nag-lalaban ang Air21 at ang San Mig Coffee, nagkampeon sa nakaraang 2014 PBA Philippine Cup, sa Game Two habang isinusulat ito.

Hangad ng Express, sinibak ang No. 2 SMBeermen sa quarterfinals, na maiposte ang matayog na 2-0 kalamangan sa kanilang serye ng Mixers patungo sa  kanilang unang finals stint. (RC)

 

Show comments