Cebuana, Big Chill tangka ang 2-0
MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng Cebuana Lhuillier Gems at Big Chill Superchargers ang manatili sa liderato sa PBA D-League Foundation Cup sa pagharap sa Derulo Accelero Oilers at Cagayan Valley Rising Suns, ayon sa pagkakasunod ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Balak din ng nagdedepensang kampeon na Blackwater Sports Elite na makabawi matapos hiyain ng NLEX Road Warriors sa pagbangga sa Jumbo Plastic Giants na kukumpleto sa triple-header game.
Nagkaroon ng pagbabago sa iskedyul ng laro sa liga dahil base sa website na pbadleague.com.ph ang aksyon ay magbabalik bukas (Martes) sa Meralco Gym sa pagitan ng Cafe France at Boracay Rum gayundin ng NLEX at Hog’s Breath Cafe.
Kapwa nanaig ang Gems at Superchargers sa kanilang unang laro at kung mananalo sa kani-kanilang mga asignatura ay sasaluhan nila ang nasa itaas ng team standings na Road Warriors at Cafe France Bakers na may 2-0 baraha.
“It’s nice to win the first game and hopefully, we could build on this win,†wika ni Gems coach David Zamar na tinalo ang Giants, 60-54.
Sasandal ang Gems sa lakas ng kanilang mga guards na sina Paul Zamar, Marcy Arellano at James Martinez bukod pa sa mga malalaking manlalaro na sina Riego Gamalinda at Mark Sarangay para maipatikim sa Oilers ang ikalawang sunod na pagkatalo.
Galing ang Big Chill sa 81-73 pananaig sa Hog’s Breath Cafe ngunit nakikita ni coach Robert Sison na masusukat pa rin ang tikas ng mga manlalaro dahil maganda ang ipinakita ng Rising Suns kahit lumasap ng 69-79 pagyuko sa Boracay Rum Waves.
Hanap ni Sison ang patuloy na paghahatid ng solidong numero mula kina Jeckster Apinan, Dexter Maiquez at Quinton Herue-la para matapatan ang inaasahang pagbalikwas ng Cagayan Valley sa pamumuno nina Kenneth Ighalo, Jett Vidal at John Foronda.
Agawan sa unang panalo ang magaganap sa panig ng Elite at Giants.
Madedehado ang tropa ni coach Leo Isaac dahil maglalaro ang Blackwater Sports na hindi makakasama ang sentro na si Reil Cervantes na kinuha ng Elite mula sa Big Chill para sa conference na ito.
Si Cervantes ay sinuspindi ng isang laro at pinagmulta ng P5,000.00 ni PBA Commissioner Chito Salud matapos ang panu-nuntok kay NLEX center Ola Adeogun.
Dahil dito, aasa ang Elite kina Allan Mangahas, Kevin Ferrer, Narciso Llagas at Jericho Cruz para manalo sa Giants.
- Latest