MANILA, Philippines - Maliban kay Lydell Rhodes, tatlo pang sparmates ang makakasabayan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa kanyang training camp sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Ito ang mga dating world champions na sina Kendall Holt at Steve Forbes at Mexican fighter Speedy Gonzales.
Si Rhodes ang nagsilbing chief sparmate ni Pacquiao sa kanyang kampo sa General Santos City bago sila bumiyahe sa United States kasama si trainer Freddie Roach.
Sinabi ni Roach na malaki ang maitutulong nina Rhodes, Holt, Forbes at Gonzales sa preparasyon ni Pacquiao sa kanilang rematch ni World Boxing Organization (WBO) welterweight titlist Timothy Bradley, Jr. sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Tinalo ni Bradley si Pacquiao sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision para agawin kay ‘Pacman’ ang suot niyang WBO crown noong Hunyo 9, 2012 sa MGM Grand.
Nangako si Roach na ibang Manny Pacquiao (54-5-2, 38 knockouts) ang makakaharap ni Bradley (31-0-0, 12 KOs) sa kanilang rematch.
“Please tell Mr. Bradley it’s a whole new ballgame. Manny means business this time,†deklarasyon ni Roach.
Makaraang gulatin ni Bradley ay pinabagsak naman si Pacquiao ni Juan Manuel Marquez sa sixth round sa kanilang ikaapat na pagkikita noong Disyembre 8, 2012.
Sa kanyang pagbabalik sa ring noong Nobyembre 24, 2013 ay dinomina ni Pacquiao si dating 140-pound titleholder Brandon Rios sa loob ng 12 rounds sa Macau, China.
Dalawang beses namang matagumpay na naipagtanggol ng 30-anyos na si Bradley ang nasabing WBO title noong nakaraang taon.
Sa kabila ng pagbagsak sa round 12 ay nakamit pa rin ni Bradley ang isang unanimous decision victory kontra kay Ruslan Provodnikov noong Marso.
Tinalo naman ng Ame-rican welterweight titlist ang 40-anyos na si Marquez via split decision sa kanyang pangalawang pagdedepensa sa titulo.