MANILA, Philippines - Maganda ang kondisyon ng State Witness na tumakbo noong Martes ng gabi para manalo bilang dehado sa pista na ginawa sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Sa class division 1-B na inilagay sa 1,000-metro sprint distance tumakbo ang nasabing kabayo na hinawakan ng apprentice rider na si J. Saulog at nagawang dominahin ng tambalan ang karera mula simula hanggang matapos ang karera.
Tinangka ng Spectacular Ridge na dala ni Pat Dilema na agawin ang panalo nang humarurot ito sa rekta pero buo pang dumating ang State Witness tungo sa isang dipang agwat.
Walang magandang ipinakikita ang State Witness para madehado ito sa sampung kabayo na naglaban para magkamit ang mga nanalig ng magandang dibidendo sa panalo ng kabayo na binigyan ng magaan na handicap weight na 50 kilos.
Pumalo sa P98.00 ang ibinigay sa win habang ang forecast na 2-7 ay naghatid ng P503.00 dibidendo.
Isa pang dehado na nakitaan ng bangis ay ang Luck And Fame sa class division 4 race sa 1,400-metro distansya.
Maaga ring lumayo ang nanalong kabayo na sinak-yan ni AB Serios at may 50.5 kilos handicap weight.
Nakatulong ito para mapanatili ng Luck And Fame ang ipinakitang malakas na ayre para manalo ng halos dalawang dipa sa Absolute.
Halagang P37.50 ang ibinigay sa win ng di napaborang kabayo habang ang 5-6 forecast ay may P258.50 dibidendo.
Ang pinakapatok na kabayo na nanalo sa unang araw ng pista sa ikatlong race track sa bansa ay ang Smart Guru sa class division 1 sa 1,400-metro.
Si Dilema ang sakay ng nasabing kabayo at hindi naapektuhan ang nanalong tambalan ng 57.5 kilos handicap weight matapos agawin ang liderato sa Hello Hello sa pagpasok ng huling kurbada.
Mula rito ay tumodo na ang nasabing kabayo para manaig ng halos walong dipang agwat sa naghabol na Conqueror sa pagdiskarte ni JB Bacaycay.
Nagkahalaga ang panalo ng Smart Guru ng P5.50 habang ang 6-11 forecast ay may P41.50 dibidendo. (AT)