Hari ng Yambo, Botbo ipinanalo ni JPA Guce

MANILA, Philippines - Dalawang beteranong mandirigma sa pista ang kumubra ng panalo sa pagtatapos ng isang linggong karera noong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si JPA Guce ang dumiskarte sa mga kabayong Hari Ng Yambo at Botbo na ipinakita ang kakayahan pang manalo laban sa mga bigating katunggali.

Ang Hari Ng Yambo na itinanghal na first leg winning noong 2011 Triple Crown Championship, ay napalaban sa  limang katunggali sa Special Class Division race na inilagay sa 1,300-metro distansya.

Ito ang ikalawang takbo ng tambalan at nahigitan nila ang pang-apat na puwestong pagtatapos na naitala noong Disyembre 19.

Ang Cat’s Diamond na sakay ni class C jockey RN Llamoso ang siyang tinalo ng Hari Ng Yambo at tila ininda ng kabayong dating dinidiskartehan ni Pat Dilema ang pagkakaroon ng pinakamabigat na handicap weight na 58 kilos.

Tinapos naman ng Botbo ang ilang buwan na walang panalo sa pista matapos daigin ang hamon ng Princess Haya sa isang Special Handicap Race na pinag-labanan sa 1,500-metro distansya.

Si Guce ang ikatlong hinete sa hu-ling apat na takbo ng kabayo at  nakuha niya ang tamang diskarte para maipanalo ang kabayo.

Ang Gentle Irony ni Pat Dilema sa pagkakataong ito ay pumangatlo lamang para mabigo sa hangaring sundan ang tagumpay na nakuha noong Dis-yembre 10.

May P7.00 ang win ng napaborang Hari Ng Yambo sa win habang pumalo sa P19.50 ang nadehado pang Botbo.

Ang extra double na Hari Ng Yambo at Botbo (5-3) ay nagpasok naman ng P98.50 dibidendo.

Halos mga liyamadong kabayo ang nagdomina sa karerang ginawa sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc. at ang lumabas na outstanding favorite na nagtagumpay ay ang Snake Queen.

Sa huling race 12 kumarera ang kabayong sakay ni apprentice jockey RM Ubaldo sa class division four at hindi natinag ang tambalan sa pagkakaroon ng 11 kabayo na nagsukatan at naisantabi ang hamon ni Jade Jewel.

Kung nakalusot ang Jade Jewel ay nakuha sana ni JPA Guce ang ikatlong panalo sa araw na ito.

Ikalawang karera ito ng Snake Queen matapos magbakasyon ng tatlong buwan at nanalo rin ang tambalan noong Dis-yembre 7 kontra sa Panamao King.

Naghatid ng P6.50 ang win ng Snake Queen habang P34.00 ang ibinigay sa 2-4 forecast.

 

Show comments