MANILA, Philippines - Dahil sa masikip na daloy ng trapiko dala ng medical mission ng Iglesia ni Cristo ay nagdesisyon ang pamunuan ng NCAA na kanselahin ang nakatakdang laro kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa kalatas na ipinalabas ni NCAA Mancom chairman Dax Castellano ng host St. Benilde, inalala nila ang mga mag-aaral at panatiko ng pinakamatandang collegiate league sa bansa na maaaring mahirapan sa pagtungo sa palaruan kaya’t minabuting ipagpaliban ang laro.
“Due to heavy traffic in relation to the INC medical mission in some parts of Metro Manila, the NCAA as suggested by MANCOM members – has decided to postpone its basketball games today at The Arena in San Juan. We understand the difficulties that our students and athletes may encounter going to the venue. We will advise when the postponed games will be scheduled. Thank you,†wika ng statement ni Castellano.
Tapatan sana ng Emilio Aguinaldo-Mapua at San Beda-Arellano ang natunghayan kahapon.
Bago ito ay naunang ipinagpaliban ang laba-nan ng St. Benilde-San Sebastian at Arellano-Jose Rizal University noong Setyembre 23 dahil sa habagat.
Sa pangyayaring ito, ang elimination round ay aabot sa huling linggo ng Oktubre habang ang liga ay matatapos sa kalagitnaan na ng Nobyembre.
Nakataya sana sa mga laro kahapon ang paghahabol para sa Final Four ng Chiefs at Generals.
May 6-9 karta ang Chiefs at must-win sila sa huling tatlong laro para magkaroon pa ng tsansang makahirit ng playoff.
Sakaling magawa ito ng Chiefs, dapat pa rin silang manalangin na ang San Sebastian at Emilio Aguinaldo College ay hindi lumagpas sa siyam na panalo para magkaroon ng playoff.
Sa kabilang banda, ang tropa ni coach Gerry Esplana ay may 8-8 baraha at kailangan nilang manalo para mapantayan ang siyam na panalo na tangan ng Stags na nasa ikaapat na puwesto sa team standings.