MANILA, Philippines - Tinapos ng Mapua ang mahigit na tatlong buwan na hindi nakakatikim ng panalo nang gulatin ang three-time defending champion San Beda, 81-76, sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Si Jessie Saitanan ang siyang pinaghugutan ng lakas ng Cardinals na nanalo kahit napag-iwa-nan ng 11 puntos matapos ang ikatlong yugto, 64-53.
May 10 puntos si Saitanan nang nilamon ng Cardinals ang 65-71 kalamangan ng Bedans bago sinandalan ng tropa ni coach Fortunato ‘Atoy’ Co ang mga split sa 15-footline nina Jeson Ray Cantos, Joseph Erio-bu at Kenneth Ighalo bilang tugon sa mga sablay na tres nina Arthur dela Cruz at Baser Amer.
Si Mark Brana ay naghatid pa ng 14 puntos at 10 boards para sa Mapua na huling nanalo noon pang Hulyo 1 nang lusutan sa overtime ang San Sebastian, 104-99.
Ang panalo ay tumapos din sa 13 sunod na kabiguan na pinakamasama sa liga matapos ang 14 sunod na pagkatalo ng Perpetual Help noong 2010 season.
Nasayang naman ang 23 puntos si Dela Cruz dahil pinagbayan nila ang Mapua nang nagkumpiyansa matapos makalamang ng malaki.
Nangapa sa opensa ang tropa ni coach Boyet Fernandez para magkaroon lamang ng 12 puntos sa huling 10 minuto kumpara sa mainit na 28 puntos ng Cardinals.
Ito ang ikatlong pagkatalo lamang sa 16 na laro ng Lions para tapusin din ang anim na sunod na panalo.
Kapos pa sila ng isang panalo para pormal na makamit ang twice-to-beat incentive sa Final Four.